Ilang produkto ng Mekeni nagpositibo sa African swine fever

ABS-CBN News

Posted at Nov 04 2019 04:01 PM | Updated as of Nov 04 2019 07:01 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATE) Nagpositibo sa African swine fever (ASF) ang skinless longganisa at Picnic hotdog ng Mekeni Food Corporation, sabi ngayong Lunes ng mga opisyal mula Department of Agriculture (DA) at Department of Health (DOH).

Positibo ang mga nasabing produkto ng Mekeni sa ASF, base sa mga test na isinagawa ng Regional Animal Disease Diagnostics Laboratory sa Central Luzon at Bureau of Animal Industry Veterinary Laboratory Division, sabi ng DA sa pahayag.

Sa pahayag, inamin ng Mekeni na sa kabila ng pagsunod nila sa lahat ng regulasyon, lumabas na kontaminado ng ASF ang ilang batch ng kanilang Picnic hotdog at skinless longganisa.

Gayumpaman, tiniyak ng kompanya na makikipagtulungan sila sa gobyerno para malaman kung saan ito galing.

Inalis na rin ng kompanya ang kanilang pork-based products sa merkado noong pang Oktubre 26. 

Sinuspende na rin ng Mekeni ang operasyon sa kanilang pork-based area.

Sa ngayon, tuloy umano ang bentahan ng non-pork products ng Mekeni tulad ng manok.

Pinaalala ng DOH sa publiko na hindi delikado ang ASF sa tao.

Pinag-aaralan din ng DOH kung papatawan ng sanction ang Mekeni.

Ayon naman kay Pampanga Governor Dennis Pineda, balak nilang ibasura ang iba pang meat products sa kanilang lugar.

Sa kabila nito, unti-unti nang sumisigla ang bentahan ng baboy sa ilang lugar, tulad sa Dagupan, Pangasinan.

Wala pa ring kaso ng ASF na naitatala sa Dagupan at mahigpit ang pagbabantay sa karne roon, ani Michael Maramba, city veterinarian. -- Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.