ALAMIN: Mga ginagawang paghahanda para sa bar exams

Jasmin Romero, ABS-CBN News

Posted at Nov 04 2017 10:38 PM

Sa Linggo na nakatakdang magsimula ang bar exams para sa mga law student na nangangarap maging abogado balang araw.

Ang mga pulis, ilang oras nang nag-iikot sa paligid ng University of Sto. Tomas (UST) kung saan gaganapin ang bar exams sa mga araw ng Linggo ngayong Nobyembre. 

Higit 7,000 mga law graduate ang kukuha ng bar exams.

Nape-pressure na rin ang mga examinees na pumasa lalo't ilang taon nila itong pinaghandaan.

Aminado si Paolo Trinidad, magkahalong emosyon ang kaniyang nararamdaman ngayong kukuha siya ng bar exam sa unang pagkakataon.

"Kabado at the same time excited kasi one step na lang sa goal ko na maging lawyer . . . Right after grad, aral, syempre enroll sa mga pre-bar courses, sleepless nights, di muna sumasama sa mga party . . . Pero sabi nila it's all worth it," ani Trinidad.

Ayon sa Manila Police District, alas-4 pa lang ng umaga sa Linggo, magde-deploy na sila ng 700 mga tauhan. Meron ding itatalagang medical personnel kung sakaling may emergency.

Bawal na rin umano ang pagtitinda sa paligid ng UST, maging ang mga walang suot na pang-itaas at umiinom sa kalsada.

Sa ngayon, wala namang nakikitang threats o banta ang pulisya sa bar exams.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.