Teacher patay sa pamamaril sa Leyte

Geron Ponferrada, ABS-CBN News

Posted at Nov 03 2019 08:23 PM

Patay sa pamamaril ang isang public school teacher sa bayan ng Matag-ob, Leyte noong Biyernes ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Michael Vincent Olorvida, 32 anyos. Ayon sa pulisya, papunta sana sa sementeryo si Olorvida kasama ang asawa at 2 anak nang malapitang barilin ng hindi pa kilalang salarin.

Ayon sa asawa ni Olorvida, nakaupo siya sa backseat ng kanilang sasakyan kasama ang kanilang dalawang anak. Palabas na sa gate ng kanilang bahay ang kanilang sasakyan na minamaneho ng kaniyang mister nang may lumapit na lalaki at binaril ang biktima.

Maliban sa pagtuturo sa kindergarten, may negosyo ring wedding photo and video coverage ang biktima.

Ayon sa asawa, wala naman umano siyang natatandaang may nakaaway si Olorvida.

Dagdag ng pulisya, walang kaugnayan sa trabaho at hindi rin sangkot sa ilegal na droga ang biktima.

"Base sa imbestiga wala daw naka-conflict kahit sa sinong tao aside dun sa yung investigation namin na my third party," paliwanag ni Police Lieutenant Elizabeth Lubiano, hepe ng Matag-ob police.

Napag-alaman din na bago pa ang pamamaril ay pabalik-balik na sa lugar ang salarin at bumili pa umano ito ng sigarilyo sa katabing tindahan.

Patuloy pang inaalam ng pulisya ang motibo sa likod ng pamamaril.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.