Flight sa Davao naantala dahil sa bomb joke; lalaking nagbiro arestado

ABS-CBN News

Posted at Nov 03 2019 02:46 PM

Naantala ang biyahe ng isang eroplano sa Davao International Airport dahil sa isang pasaherong nagbitiw ng biro ukol sa pambobomba, sabi ngayong Linggo ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).

Inaresto ng pulisya ang pasaherong kinilalang si Ramon Barrios matapos magbiro ukol sa bomba habang nasa loob ng eroplano, na biyaheng Davao papuntang Cebu, sabi ng CAAP sa pahayag.

Pinababa umano ang lahat ng pasahero at cargo na sakay ng eroplano para muling inspeksiyunin, dahilan para maantala ang biyahe.

Matapos ang security check, nakaalis ng Davao ang eroplano bandang 9:47 ng umaga.

Nasa kustodiya naman ng pulisya si Barrios, na maaaring kasuhan.

Ipinagbabawal ang mga bomb joke o biro ukol sa bomba sa ilalim ng Presidential Decree 1727 o Anti-Bomb Joke Law.

Maaaring makulong nang hanggang 5 taon at pagmultahin ng hanggang P40,000 ang mga lalabag.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.