Pinsala ni Rosita: Higit 15 patay, P1.82 bilyon perwisyo sa agrikultura

ABS-CBN News

Posted at Nov 03 2018 06:28 PM

Ilang araw matapos lumabas ng Philippine area of responsibility (PAR) ay naglabas na ng paunang tantiya ang iba't ibang ahensiya ng pamahalaan sa naging pinsala ng bagyong Rosita.

Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRMMC) ay hindi bababa sa 15 ang bilang ng patay dahil sa pananalasa ng bagyo.
 
Aabot naman sa P1.82 bilyon ang halaga ng pinsala ng bagyo sa industriya ng agrikultura, ayon sa Department of Agriculture (DA).

Sa isang pahayag, sinabi ni Agriculture Secretary Manny Piñol, tinatayang 90,052 ektarya ng lupang agrikultura sa Cordillera Administrative Region (CAR), Regions 1, 2 at 3 ang apektado sa pananalasa ng Rosita.

Tinatayang nasa 19,200 magsasaka at mangingisda naman ang naperwisyo ng masamang panahon.

Pinakamalaki ang naging pinsala sa mga palayan na nagkakahalaga ng P1.39 bilyon.

 

Batay naman sa mga nakalap na datos ng NDRRMC mula sa iba't ibang munisipyo, lalagpas sa 15 ang bilang ng mga namatay sa mga landslide sa Natonin, Banaue at Tinglayan dulot ng Rosita.

May isa namang naiulat na nalunod sa Abra.

Ani NDRRMC spokesperson Ricardo Jalad, posible pa itong madagdagan habang paparating pa ang mga ulat mula sa iba't ibang lugar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.