Mga negosyante sa paligid ng Makati gas leak 'nangangambang malugi'

ABS-CBN News

Posted at Nov 03 2018 09:14 PM | Updated as of Dec 16 2019 12:16 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Bagama't halos wala nang maamoy na gas sa paligid ng pinangyarihan ng gas leak sa Barangay Bangkal, Makati City nitong Sabado ay nangangamba namang maapektuhan ang ilang negosyong malapit sa gasolinahan.

Reklamo ng mga residente ay Oktubre 9 pa nila unang napansin ang masangsang na amoy ngunit mas tumindi ito bago mag Undas kaya humingi na sila ng tulong sa mga awtoridad.

Sa tindi ng alingasaw, hinika ang 64 taong gulang na si Florencia Decierdo.

"Hindi ako makahinga. May hika ako nung nakaamoy ako, nahihilo na ako...Masikip 'yung dibdib," aniya.
    
Pero kahit nabawasan na ang amoy ng gas sa barangay, magtatagal pa umano bago tuluyang bumalik sa normal ang mga operasyon sa paligid ng gas station.

Ayon kasi sa mga opisyal ng Makati City, kontrolado man ang sitwasyon ngunit dapat pa ring mag-ingat.

"For as long as nakikita namin na meron pa ring high levels ng carbon monoxide, upon the recommendations, cordoned off pa rin. Hindi naman dangerous pero precautionary measures on our side," ani Makati Vice Mayor Monique Lagdameo.

Marami ring ipinagbabawal sa 50 metro paligid ng gasolinahan:

  • Paninigarilyo
  • Pagsindi ng kandila
  • Pagbukas ng burner
  • Ano mang flammable

Sa labas ng 50 meter restricted area ay nakapagbukas na ang ilang negosyo.

Pero ang asosasyon ng autoparts business owners, nangangambang mas malugi lalo na't nakapuwesto sila malapit sa gas station.

Aalamin pa kung ano ang pananagutan ng gasolinahan, ayon sa local government unit.

Sarado pa rin ang apat na kalsada sa Bgy. Bangkal:

  • Evangelista Street
  • Heneral Luna
  • Heneral Estrella
  • Heneral Macabulos

Kaya paalala sa mga motorista ay maghanap muna ng ibang ruta.

—Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.