ALAMIN: Mga kalsadang isasara para sa Bar exams ngayong Linggo

ABS-CBN News

Posted at Nov 03 2018 06:51 PM

MAYNILA - Ilang mga kalsada ang pansamantalang isasara sa mga sasakyan sa lahat ng Linggo ng Nobyembre para sa isasagawang Bar exams sa University of Santo Tomas (UST) dito sa siyudad.

Ayon sa Traffic Enforcement Unit ng Manila Police District, pansamantalang ipatutupad ang road closure, re-routing at pagbabawal sa parking sa mga kalsada malapit sa UST.

Kabilang sa isasara ang westbound lane ng España Boulevard mula A.H. Lacson hanggang P. Noval mula 3:00 ng hapon hanggang 7:00 ng gabi.

Mahigpit na ipagbabawal ang pagparada ng mga sasakyan sa paligid ng UST, kasama ang España Boulevard, A.H. Lacson Avenue, Dapitan at P. Noval.

Ang mga sasakyang magmumula sa southbound lane ng A.H. Lacson Avenue ay pinapayuhang dumaan sa Nagtahan papunta sa kanilang destinasyon.

Ang mga dadaan naman sa westbound lane ng España Boulevard ay pinapayuhang kumanan sa A.H. Lacson at kumaliwa sa Laong Laan papuntang A. Mendoza.

Gaganapin sa UST ang Bar exams ngayong Nobyembre 4, 11, 18 at 25.

Inaasahang daragsa ang mahigit 8,000 examinees sa UST para sa pagsusulit, na kailangang ipasa upang maging isang ganap na abogado.

Ito na umano ang pinakamaraming kukuha ng Bar exams sa mga nagdaang taon, ayon sa Supreme Court.

Itinuturing ang pagsusulit na pinakamahirap na licensure examination sa bansa.