'Dito kami nabubuhay': Vendors patagong nagtitinda sa sementeryo kahit bawal

ABS-CBN News

Posted at Nov 02 2019 06:55 PM | Updated as of Nov 02 2019 10:20 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Kahit bawal ang pagtitinda sa loob ng Manila North Cemetery, lakas loob nagbakasakali ang maraming vendors nitong Sabado para lang kumita.

Sa pag-iikot sa naturang sementeryo, marami pa rin ang patagong nagtitinda ng samu't saring produkto kahit alam nilang ito ay bawal at posible silang maaresto. 

Sa loob ng binabantayang mawsoleo, patagong nagtitinda ng kape at tinapay ang mag-asawang Belen at Cesar.

Anila, nilakasan nila ang loob nila dahil doon lang din sila kumukuha ng pangkain araw-araw.

"Sana po kami ay pagbigyan, sana huwag ipagbawal ang pagtitinda dito. Marangal naman ang hanapbuhay namin. Dito kami nabubuhay," panawagan ni Belen. 

Sa ibang bahagi ng sementeryo, marami naman ang bumibili sa puwesto ni Leonora. Sabi niya, inutang pa niya ang kaniyang puhunan kaya kailangang mabawi ito.

"Pinilit pa rin namin magtinda para mabalik ang puhunan sa mga inutang namin. 5-6 po ito. Inutang namin ito June pa lang," aniya.

May istilo rin siya para hindi mahuli ng mga awtoridad.

"Pag alam naming parating na, binabagsak na lang namin ang mga paninda at pinapasok sa loob," ani Leonora.

Noong Biyernes, 9 na vendors na ang naaresto sa pagpupumilit na magtinda.

Para sa pamunuan ng Manila North Cemetery, maganda ang resulta at feedback ng mga dumalaw sa "no vendor policy" kaya’t taon-taon na raw nila itong gagawin.

MAS KAUNTING BISITA

Sa entrance ng sementeryo, sako-sakong mga alcohol, cologne, at sigarilyo naman ang nakumpiska sa mga bumibisita mula pa noong Oktubre 30.

Ayon sa Manila Police District (MPD), naging mapayapa ang paggunita ng Undas sa Manila North Cemetery.

"Wala namang nakawan. Pero merong nakuhanan ng deadly weapon, concealing deadly weapon," ani Police Brig. Gen. Bernabe Balba, director ng MPD. 

Hanggang alas-2 ng hapon nitong Sabado, aabot na sa 83,000 ang pumunta sa Manila North Cemetery, na kaunti sa inaasahang bisita ng sementeryo. 

"Medyo bumubulusok pa rin ang tao as expected. Kaya lang, konti pa rin siya sa in-expect natin, dahil na rin sa long weekend kaya nahahati ang tao na pumupunta dito," sabi ni Roselle Castañeda, administrator ng Manila North Cemetery.

—Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.