2 akyat-bahay na sinamantala ang Undas para magnakaw timbog sa Pasig

ABS-CBN News

Posted at Nov 02 2019 04:58 PM | Updated as of Nov 02 2019 07:52 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Arestado noong Biyernes ang 2 akyat-bahay matapos nilang looban ang isang apartment sa Pasig City sa pag-aakalang walang tao dahil Undas.

Sa kuha ng CCTV, makikitang pumarada ang motor ng 2 suspek sa tapat ng apartment building na pagnanakawan nila.

Pumasok ang 2 sa loob ng isang unit kung saan naabutan nila ang 3 babaeng tenant. Doon na lang sila nagdeklara ng holdap.

Tinangay ng mga suspek ang mga cellphone, bag, wallet, at laptop ng mga biktima saka umalis.

Pero agad na nagsumbong ang 3 biktima kaya nahuli ang mga suspek na kinilalang sina Michael Mendieta at Ruel Peralta.

Nakuha sa 2 akyat-bahay ang kutsilyo, pekeng baril, at granada.

Naibalik naman ang mga gamit sa mga biktima.

Batay sa imbestigasyon, may nakabinbin pang kaso sa droga si Mendieta, na umano'y lider din ng isang robbery-hold-up group sa Pasig.

Desidido ang 3 babae na ituloy ang pagsasampa ng kaso laban sa mga suspek.


—Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.