Mga residente naperwisyo ng 'alingasaw' sa Makati gas leak

ABS-CBN News

Posted at Nov 02 2018 09:09 PM | Updated as of Feb 02 2020 02:02 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pansamantalang itinigil ang operasyon ng Phoenix Petroleum gas station na konektado umano sa gas leak sa Barangay Bangkal, Makati City.

Kinumpirma kasi ng Bureau of Fire and Protection (BFP) na gas ang tumagas sa drainage, at posibleng sa Phoenix umano ito nanggaling.

Inalis na rin ang lahat ng produktong laman ng apat na storage tanks ng gasolinahan para alamin kung may butas ang isa sa mga ito. 

Inabisuhan rin ang mga establisimiyento sa paligid ng gasolinahan na huwag munang magbukas habang hindi pa idinedeklarang ligtas ang lugar. 

Ipinagbawal din ng BFP ang paninigarilyo at pagsindi ng apoy sa 50 metrong restricted area. 

Bukod sa pagbobomba ng tubig, nagsagawa rin ng foaming ang BFP sa mga drainage para kontrahin ang pagiging flammable ng gas na tumagas.

"[Ito ay para] maiwasan natin ang any effect of fire explosion or any other effect kaya po binabawasan natin 'yung concentration ng fume na maaari pong mag-cause ng ignition," ayon kay Senior Inspector Algie Mullanida ng BFP Makati. 

Hindi naman napigilan ng mga residente ang umalma dahil sa umano'y perwisyong dinulot ng nakasusulasok na amoy mula sa gas leak. 

"Ang tapang, nakasama talaga sa baga, 'yun sa paghinga mo, lalo may hika ako, sinusumpong ako sa hika," ayon sa isang residente. 

Gayunpaman, tiniyak ng kompanya na "isolated case" ang nasabing sitwasyon at gumagawa na sila ng hakbang para maayos ito. 

-- Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.