Pinto ng tren nagloko; ilang pasahero nadala sa garahe ng MRT

ABS-CBN News

Posted at Nov 02 2017 11:25 AM

MAYNILA - Nakarating sa garahe ng MRT ang may 30 pasaherong hindi nakalabas matapos magloko ang pinto ng tren Huwebes ng umaga.

Ayon sa mga pasahero, nasa North Avenue Station na sila bandang alas-8:00 ng umaga nang sumara ang pinto ng tren at saka umandar papunta sa garahe sa gilid ng Trinoma mall.

Wala anilang abiso ang MRT sa dapat nilang gawin nang magloko ang pinto. Umabot umano ng may 30 minuto bago nakalabas ang mga pasahero sa tren.

Ayon naman sa MRT Management, may mga pasaherong hindi bumaba kaya nadala ang mga ito sa garahe kung saan aayusin ang tren.

Dagdag pa ng MRT Management, nasa baba lang ng North Avenue Station ang garahe kaya agad rin nilang naisakay pabalik ng estasyon ang mga pasahero.--ulat ni Joyce Balancio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.