#Undas2019: Daan-libong tao dumalaw sa mga sementeryo sa Kamaynilaan

ABS-CBN News

Posted at Nov 01 2019 09:48 PM | Updated as of Nov 01 2019 10:08 PM

Daan-libong katao ang dumagsa sa iba't ibang sementeryo sa Kamaynilaan para magnilay, magdasal, at alalahanin ang mga namayapang mga mahal sa buhay nitong Undas, Nobyembre 1.

Ayon sa tantiya ng National Capital Region Police Office, umabot sa 960,095 ang bilang ng mga bumibisita sa iba't ibang sementeryo mula alas-2 ng hapon ng Nobyembre 1.

Watch more in iWant or TFC.tv

Kahit umuulan, dumagsa pa rin ang mga libo-libong dumadalaw sa Manila South Cemetery magmula nitong umaga ng Biyernes.

Sa dami ng tao, sinusuotan ng mga nametag ang mga bata sakaling mapahiwalay sa mga anak.

May ilang matatanda rin na nasa sementeryo, gaya ni Melita Ignacio, na nag-alay ng bulaklak sa namayapang asawa.

Pilit naman inaalala ng 78 anyos na si Lorito Castro kung nasaan nakalibing ang kaniyang asawang si Beatriz.

At nang makita ito, nagpaabot siya ng bulaklak, na sinabayan ng tahimik na pagpunas ng luha.

"Na-miss ko siya. Sabi ko bigyan ng magandang buhay pa," pahayag ni Castro.

Watch more in iWant or TFC.tv

Maaliwalas naman ngayon sa Manila North Cemetery, kung saan estriktong ipinapairal ang "no vendor policy."

Kung noo'y inaabot nang halos isang oras ang pagpasok ni Luz Malenab sa sementeryo, inaabot na lang ngayon nang 16 minuto.

"Mas ok na ok ngayon. Ang luwag, maaliwalas. Para ka lang namamasyal" pahayag ni Malenab na binisita ang namayapang mister, dalawang kapatid, at ama.

Sa ngayon, sinusubukan pa ng ilang vendor na dumiskarte sa pagbebenta ng mga pagkain sa loob sa kabila ng pinapairal na "no-vendor policy."

Unti-unting nag-ikot ang mga vendor tulad ni Bochok Francisco, na alam na bawal ang pagbebenta sa loob.

"Kay Mayor, pasensiya na. Alam naming bawal pero kailangan namin gawin," ani Francisco.

Naging first aid station na ang bahagi ng Manila North Cemetery na noo'y puno ng mga vendor.

Naaresto rin ang apat na kataong nagbebenta sa loob ng sementeryo.

Naniniwala ang pamunuan ng Manila North Cemetery na makakasanayan din ng mga tao ang bagong patakaran tuwing Undas.

Watch more in iWant or TFC.tv

TRAPIKO

Nakaramdam naman ng kaunting pagbigat ng trapiko ang mga bumibisita ng Manila Memorial Park sa Parañaque City.

Napalala pa ito ng pabugso-bugsong ulan.

Inayudahan ng mga enforcer ang trapiko sa mga kanto ng sementeryo pero hindi pa ito maresolba kaya nagpalipad ng mga drone ang Philippine Army.

Watch more in iWant or TFC.tv

Pero magmula nitong gabi ng Biyernes, maluwag ang daloy ng trapiko sa North Luzon Expressway at South Luzon Expressway, na nagsisilbing daan para sa mga motoristang bibiyahe para magbakasyon o alalahanin ang mga namayapang kaanak.

Nagkaroon nitong umaga ng Biyernes ng kaunting pila sa toll gate sa NLEX, partikular sa Lawang Bato kung saan mayroong sementeryo.

Pero hindi naman daw ito mabigat kumpara noong Huwebes.

Magaan din ang trapiko sa SLEX, pero nagkaroon ng kaunting pagsikip sa Sucat Interchange dahil sa pagkakaroon ng dalawang malaking sementeryo sa lugar.

Handa na rin ang dalawang expressway sa "exodus" ng motoristang inaasahang babalik sa Maynila mula Sabado ng gabi hanggang Lunes ng madaling araw.

-- Ulat nina Raphael Bosano, Chiara Zambrano, Doris Bigornia, at Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.