Landslides, aftershocks pinapangambahan matapos ang lindol sa Mindanao

ABS-CBN News

Posted at Nov 01 2019 09:38 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Aabot sa 3,000 pamilya ang pinalikas ng lokal na pamahalaan ng Cotabato sa pangambang magkaroon muli ng landslide at mga aftershocks sa apat na barangay sa probinsiya.

Gayunman, pahirapan ang pagbaba ng ilang residente ng Cotabato sa mga parteng matinding tinamaan ng lindol. Nabarahan ng mga gumuhong lupa ang ilan sa mga pangunahing kalsada.

Dahil sa landslide, anim na oras o katumbas ng walong kilometro ang nilakad ng mga taga-Barangay Luayon para makarating sa ligtas na lugar.

"Kinaya po namin sir kahit mahirap. Yung mga daan po sir grabe ang biyak malalaki po marami po landlside eto nga po nadapa anak ko," kuwento ng residenteng si Girlie Angal.

Natabunan din ng landslide ang daan-daang bahay sa komunidad ng Agco sa paanan ng Mt. Apo dahil sa malakas na lindol.

Kalahati ng bahay ng school principal na si Alejandro Bringas ang nahulog sa landslide.

"Bigla kasi pagkahulog ng lupa, may narinig kaming ugong then sumunod na mga yero naririnig na namin parang biglaan kasabay ng pagyanig ng bundok," ani Bringas.

Ayon sa Phivolcs, posibleng magkaroon pa ng landslide kaya pinalilikas ng lokal na pamahalaan ang higit 3,000 pamilya sa apat na barangay sa Cotabato.

Mula noong lumindol noong Oktubre 29 at 31, dalawa ang nawawala habang 16 na ang namatay sa Cotabato, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council.

Watch more in iWant or TFC.tv

Lima naman ang namatay sa Magsaysay, Davao Del Sur. Samantala, dalawa pa ang pinaghahanap.

Isa na sa namatay ang 70 anyos na si Benita Saban, na natabunan ng lupa.

May 8 pang katao na pinaghahanap sa Barangay Bato at Barangay Malasila sa Cotabato.

Watch more in iWant or TFC.tv

Nasa 381 aftershocks ang yumanig sa Mindanao na may lakas na 1.5 hanggang 4.6 magnitude. Aabot sa 29 ang naramdaman dito.

Dahil sa tuloy-tuloy na aftershocks, hindi pa pinapauwi ang mga residente sa kanilang mga bahay.

"For those staying in buildings, structures that are not fit for human habitation tingnan nilang mabuti lalo na iyang may semento," ani Duterte.

Samantala, nagpadala ng ayuda ang ilan sa lokal na pamahalaan sa Tulunan, Cotabato, gaya ni Davao City mayor Sara Duterte at ng lokal na pamahalaan ng Bohol.

Siniguro naman ng DSWD na agad silang magpapadala ng tulong sa mga biktima ng lindol.

Ayon kay Irene Dumlao, tagapagsalita ng Department of Social Welfare and Development, ginagawan na nila ng hakbang para matulungan ang ilang nangangailangan.

Iginiit ni Mark Timbal, tagapagsalita sa NDRRMC, na hindi pa kailangan ng ayuda mula sa ibang bansa.

"Nakikita natin ang galing ng mga local governments in managing localized emergencies in their area," ani Timbal.

Ipinaalala sa mga residente na inspeksiyunan ang kanilang mga bahay at gusali bago balikan dahil posibleng gumuho nang hindi inaasahan ang mga ito dala ng sunod-sunod na lindol at aftershock.

-- Ulat nina Dennis Datu, Ron Gagalac, Vina Araneta, at Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.