3 sepulturero huli sa pagdodroga sa sementeryo sa Cavite

ABS-CBN News

Posted at Nov 01 2019 04:15 PM

Arestado ang tatlong lalaking gumagamit umano ng droga sa loob ng sementeryo sa Bacoor, Cavite noong Huwebes, bisperas ng Undas. 

Pawang mga nag-aalaga at naglilinis ng mga puntod sa nasabing sementeryo ang tatlong suspek na sina Roel Castillo, Randy Trisalbon, at Graceleo Genova. 

Ikinasa ang operasyon laban sa mga suspek nang makatanggap ng ulat mula sa ilang barangay officials. 

Sa operasyon ng pulisya natunton ang mga suspek na nagda-drug session umano. 

Nakuha sa tatlong suspek ang nasa P30,000 na halaga ng hinihinalang shabu at drug paraphernalia. 

Inamin ng mga suspek na sangkot sila sa pagdodroga. 

"Pakaunti-kaunti lang naman po. Sa pangangailangan lang po. Mababa lang po ang suweldo, ang bigay," paliwanag ni Castillo. 

Nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang tatlong suspek. 

-- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.