2 Skyway enforcer sugatan nang 'barilin' ng sisitahing motorista

ABS-CBN News

Posted at Nov 01 2019 01:38 PM

Sugatan ang dalawang enforcer sa Skyway matapos barilin umano ng sisitahing motorista sa Parañaque noong gabi ng Huwebes. 

Batay sa ulat ng Parañaque police, nagmamando ng trapiko ang enforcer na si Rexie Talingdan nang dumaan ang motorsiklo ng suspek sa Skyway.

Bawal sa Skyway ang mga motorsiklo kaya agad itong hinabol ni Talingdan. 

Sinundan si Talingdan ng isa pang enforcer na si Ronie Delos Santos, na tumulong kay Talingdan sa paghahabol ng suspek. 

Nakorner ang suspek matapos bumangga ito sa bahagi ng kalsada. 

Pero makalipas ng ilang minuto, biglang naglabas ng armas ang suspek at pinagbabaril ang dalawang biktima. 

Agad na isinugod sa ospital ang mga biktima. 

Narekober sa crime scene ang dalawang basyo ng baril, na ngayo'y isinasailalim sa forensic examination. 

Patuloy ding pinaghahanap ng mga awtoridad ang suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.