'Paglipat ng bangkay, kailangan ng mga permiso'

ABS-CBN News

Posted at Nov 01 2017 04:58 PM | Updated as of Nov 01 2017 05:13 PM

Mayroong legal na proseso bago maipalipat ng kaanak ang bangkay ng isang namayapa sa ibang libingan.

Sa "Usapang De Campanilla" ng DZMM, ipinaliwanag ni Atty. Noel Del Prado ang disinterment o paglipat ng isang bangkay sa ibang libingan.

Nakapaloob ang mga patakaran ukol sa disinterment sa Presidential Decree No. 856 o 'Code on Sanitation.' 

Ayon sa batas, kinakailangang makakuha ng permiso mula sa lokal na pamahalaan upang ipalipat ang bangkay. Ito'y idudulog pa sa city o municipal health office.

Paliwanag ni Del Prado, health officer ang mangangasiwa upang matiyak na walang pahamak na maidudulot sa kalusugan ng publiko ang paglipat sa bangkay.

"Ang layunin ng Code of Sanitation [ay] mapangalagaan ang kalusugan ... hindi lamang [ng mga] naiwan ng kanilang mahal sa buhay, kundi ‘yong buong pamayanan," ani Del Prado.

Dalawang permit ang ipakukuha: sa lokal na pamahaalan ng kasalukuyang libingan, at sa lokal na pamahalaan ng paglilipatan.

Ibig sabihin, kung nakalibing ang bangkay sa San Juan, halimbawa, at ililipat ito sa Maynila, kinakailangang kumuha ng permit sa mga health office ng parehong lugar.

"Bawat lipat niyan (bangkay), pagkilos, may pahintulot sa apektadong LGU (local government unit)," ani Del Prado.

Maaaring ilipat ng libingan ang yumao matapos ang tatlong taong pagkakalibing.

Kung delikado at nakahahawang sakit naman ang ikinamatay ng bangkay, kinakailangan ng limang taong pagkakalibing bago ilipat ang bangkay.

Sa ilalim ng batas, dapat disimpektahin ang bangkay o mga labi na ililipat bago ilagay sa matibay at mahigpit na sinarang sisidlan.

Bahagi ang talakayan sa serye ng Usapang De Campanilla ngayong Undas 2017 na magbigay ng karagdagang kaalaman ukol sa mga batas na may kaugnayan sa pagpapalibing.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.