Volume ng pasahero sa ilang terminal 'matumal' sa bisperas ng Undas

ABS-CBN News

Posted at Oct 31 2019 08:24 PM

Matumal ang naging bilang ng mga sasakyan sa ilang terminal sa bisperas ng Undas, kung kailan inaasahan ang "exodus" ng mga pasaherong luluwas para bumisita sa mga namayapang kaanak sa mga sementeryo. 

Sa Araneta Center bus station, pawang mga nag-advanced booking lang ng mga masasakyan ang mga pasahero. 

Wala ring naitalang chance passenger ang ilang terminal nitong Huwebes. 

May ilan, gaya ni Chris Camazo, na nagpapa-refund pa ng ticket dahil nakapagdesisyon silang bumiyahe sa pamamagitan ng ibang sasakyan. 

Hindi rin nagamit ng ilang bus company ang mga extrang bus na kinuhanan pa ng special permit sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board. 

"Dati napapaalis naming bus 13 hanggang 15, ngayon tatlo," ani Mylene Balanquit, taga-book ng bus. 

Umaalis sa oras ang mga bus kahit hindi puno, basta't mabawi ang gastos sa krudo na umaabot daw sa P20,000 papuntang Bicol. 

Nagulat din ang ilang pasahero sa luwag ng mga terminal. May mga nainip din dahil matagal mapuno ang mga bus. 

Sa kabila nito, bantay-sarado pa rin ng ilang ahensiya ang mga terminal, gaya ng Bureau of Animal Industry, na nagpaalala na bawal magbitbit ng pork products para mapigilan ang pagkalat ng African swine fever. 

TRAPIKO SA MGA EXPRESSWAY 

Samantala bumigat ang trapiko sa ilang expressway bago mag-tanghali ng Huwebes. 

Lifted na rin ng Metropolitan Manila Development Authority ang number coding sa Kamaynilaan. 

Bumagal ang takbo ng sasakyan sa bahagi ng Alabang viaduct sa South Luzon Expressway. Pero paglagpas ng Filinvest ay tuloy-tuloy ang biyahe. 

Samantala, napansin naman bandang alas-3 ng madaling araw ang unti-unting pagbigat ng daloy ng trapiko sa bandang Balintawak Toll Plaza. -- Ulat nina Zen Hernandez at Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.