Pasaherong makaka-100 sa videoke sa bus, libre sa pasahe

Joworski Alipon, ABS-CBN News

Posted at Oct 31 2018 04:33 PM | Updated as of Nov 01 2018 01:26 AM

Tiyak na malilibang sa kantahan ang mga pasahero ng isang bus na bumibiyahe sa Cebu dahil sa alok nitong videoke. ABS-CBN News

Tiyak na mapapawi ang pagod at stress ng mga pasahero ng isang bus na bumibiyahe sa Cebu ngayong Undas dahil sa alok nitong nakaaaliw na aktibidad.

Habang tinatahak ng naturang bus ang rutang Cebu South Bus Terminal, Cebu City papuntang bayan ng Sibonga, puwedeng maglibang ang mga pasahero sa pamamagitan ng videoke.

Pipili lang ng kanta ang mga pasahero sa song book at kung makakakuha ng perpektong iskor na 100 ay libre na umano ang pamasahe niya.

Watch more in iWant or TFC.tv

Tanggap ang mga ganitong pakulo ng mga bus company, ayon kay Eduardo Montealto, regional director ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Central Visayas.

Hindi raw ito pinagbabawal basta hindi ang mismong driver ang kakanta at hindi rin makaiistorbo sa ibang motorista, ani Montealto.

Sinabi naman ng tsuper ng bus na si Agrifino Sentillas na handa silang patayin ang videoke machine sakaling may magreklamong pasahero.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.