Saudi Arabia, nangangailangan ng 1,000 Pinoy nurse

ABS-CBN News

Posted at Oct 30 2018 05:54 PM | Updated as of Oct 30 2018 08:53 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nangangailangan ng 1,000 Pinoy nurse ang Ministry of Health ng bansang Saudi Arabia, ayon sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA).

Pasok dito ang mga babaeng nurse na hindi lalagpas sa 45 anyos ang edad, may nursing degree at board license, at hindi bababa sa dalawang taong karanasan sa trabaho.

Nasa SAR4,110 (Saudi riyal) o higit P58,000 ang pasimulang sahod na maaari pang tumaas kada taon.

Kabilang naman sa mga benepisyo ang libreng pagkain, transportasyon at accommodation o matutuluyan, at mayroon ding taunang bakasyon na may libreng round-trip economy ticket.

null

null

Government to government ang hiring kaya walang babayarang placement fee.

Ayon kay POEA administrator Jocelyn Sanchez, sa iba-ibang panig ng Saudi Arabia matatalaga ang mga matatanggap na nurse.

Kung interesadong mag-aplay, kailangan munang magparehistro sa website ng POEA (https://www.poea.gov.ph). I-click ang kanilang online services at pumunta sa manpower registry e-registration.

Awtomatikong lalabas ang e-services page kung saan kailangang mag-sign up ang mga wala pang account.

Kailangan namang isumite ang mga rekisito nang personal sa mga tanggapan ng POEA.

Nobyembre 9 ang deadline ng mga rekisito para sa mga aplikanteng magpapasa sa mga regional office ng POEA habang Nobyembre 16 naman ang deadline sa mga magpapasa sa tanggapan ng POEA sa Ortigas Avenue, Mandaluyong City.

Nobyembre 12 hanggang 16 naman idaraos ang job interview sa Saudi recruitment office sa Makati, na dadaluhan umano ng mga kinatawan ng Ministry of Health ng Saudi Arabia.

--May ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.