Rosita palabas na ng PAR; ilang pinsala naitala sa N. Luzon

ABS-CBN News

Posted at Oct 30 2018 08:54 PM


Bagama't nakaalis na sa kalupaan at palabas na ng Pilipinas, nadama ang hagupit ng bagyong Rosita (international name: Yutu) sa ilang parte ng Northern Luzon nitong Martes.

Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), maaaring umabot sa 2.4 milyong pamilya ang naapektuhan ng bagyo sa Regions 1, 2, 3 at Cordillera Administrative Region.

Tinumbok ng bagyo ang mga probinsiya ng Quirino, Nueva Vizcaya, at Benguet, at lumabas ito sa La Union. Aabot naman sa halos 3,000 pamilya o higit 10,000 indibidwal ang inilikas dulot ng bagyo.

Isa naman ang naitalang nawawala sa Perez, Quezon nang tumaob ang isang bangka madaling araw ng Martes. 

Wala ring kuryente sa ilang bayan nang bayuhin ng bagyo ang ilang poste. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Dahil sa lakas ng hanging dala ni Rosita, nahulog ang ilang poste at puno sa probinsiya, partikular na sa Dinapigue, Isabela kung saan unang nag-landfall ang bagyo. 

Bumagsak naman ang ilang bahagi ng mall sa Santiago City, Isabela at pinatumba nito ang harapang bahagi ng malaking warehouse.

Pansamantalang nagtago ang drayber na si Jeffrey Venturina sa loob ng minamanehong truck sa Echague dahil halos wala nang makita sa kalsada at nabubuwal na ang mga poste sa lakas ng hangin at ulan. 

"Iniisip ko nga baka mabuwal din 'yung truck sa lakas, 'yung mga bubong dito sa kabila, sa harapan namin umaanong ganun," aniya. 

Sa tala ng lokal na pamahalaan ng Isabela, nasa 4,400 pamilya ang apektado sa probinsiya.

Pahirapan din ang daanan sa Casiguran mula sa Baler, Aurora dulot ng isang rock slide. Ayon kay disaster management office head Elson Egarde, may inihahandang clearing operation sa lugar. 

Bagama't mahina hanggang katamtaman ang bagsak ng ulan sa Itogon, Benguet ay nagpasyang lumikas ang ilang pamilya dulot umano ng pagkadala sa landslide nang manalasa ang bagyong Ompong noong Setyembre. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Halos mag-zero visibility naman sa Quirino dulot ng bagyo. Bagama’t patuloy na inaalam ng lokal na pamahalaan ang kabuuang pinsala ng bagyo, posibleng magdeklara na si Quirino governor Junie Cua ng state of calamity sa lugar. 

Hindi na rin madaanan ang dalawang tulay sa bayan ng Maddela, Quirino matapos umapaw ang ilog sa lugar. 

Sa bayan naman ng Bambang, Nueva Vizcaya, na dinaanan din ng mata ng bagyo, sinagip ang dalawang matandang na-trap sa barangay Abian.

Nakaligtas naman ang drayber at dalawang pahinante ng delivery van na tumaob nang hambalusin ng malakas na hangin sa kasagsagan ng bagyo sa Cordon, Isabela. 

Isinara naman ang 10 kalsada sa Cordillera region dahil delikado sa pagguho ng lupa. 

Dama rin ang bagyo sa ilang bahagi ng Southern Luzon at Metro Manila kaya't nagkansela ng ilang biyahe sa bus at flight para sa mga luluwas sa probinsiya sa Undas.

Inaasahang lalabas ang bagyo sa Philippine area of responsibility (PAR) hapon ng Miyerkoles. 

-- Ulat nina Ron Gagalac, Kim Atienza, Micaella Ilao, at Harris Julio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.