May-ari ng hacienda sa Sagay massacre, ipina-subpoena ng NBI

Yasmin Dormido, ABS-CBN News

Posted at Oct 30 2018 06:14 PM

Pinadalhan na ng subpoena ng National Bureau of Investigation (NBI) ang may-ari ng Hacienda Nene sa Sagay City, Negros Occidental kung saan pinatay ang 9 na magsasaka noong Oktubre 20.

Ayon kay agent-in-charge Renoir Baldovino, Lunes inihain ang subpoena sa may-ari ng lupa at sa umuupa dito.

May dalawa hanggang tatlong araw sila para humarap sa NBI at sagutin ang mga katanungan sa kaso.

Hindi na umano makontak ng NBI ang mga local organizers ng National Federation of Sugar Workers (NFSW) na sina Rogelio Arquillo at Rene Manlangit.

Sila ang itinuturong responsable sa pagdala ng mga biktima sa hacienda, ayon sa NBI.

Nasampahan na ng pulisya ng reklamong multiple murder ang dalawa.

Ayon naman kay Leonardo Panaligan, commander ng New People's Army, ang dalawa ay biktima na pinapasagot sa krimen.

May nakuhang saksi umano ang NBI na nagpapatibay sa kanilang paniniwala na may pananagutan sina Manlangit at Arquillo sa nangyari.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.