Eksperto nagbabala vs pagkakuryente habang nakalublob sa baha

ABS-CBN News

Posted at Oct 30 2018 06:07 PM | Updated as of Oct 30 2018 07:12 PM

Pinag-iingat ng isang eksperto ang publiko mula sa pagkakuryente na maaaring maranasan dahil sa mga kable at iba pang posibleng pagmulan ng kuryente na nakatago at nakasawsaw sa tubig-baha.

Kasalukuyang tumatawid sa bansa ang bagyong Rosita na may mga dalang pag-ulang inaasahang magdudulot ng baha sa ilang lugar, partikular sa Luzon.

Ipinapayo ng safety expert na si Jairus Abrasaldo sa publiko na huwag basta-basta lumusong sa baha dahil bukod sa mga sakit, posibleng may mga nakatiwangwang sa tubig na mga pinanggagalingan ng kuryente.

"Ang tubig is a good conductor of electricity. Ibig sabihin, dumadaloy ang kuryente sa tubig," ani Abrasaldo.

Sakaling makakita raw ng taong nakukuryente, ipinapayo ni Abrasaldo na huwag basta-basta lalapitan ang biktima.

Kung makakita ng pinagmumulan ng kuryente, tanggalin daw ito gamit ang kahoy, rubber o goma, at tela.

Kung makakita ng sirang kable ng kuryente, ipagbigay-alam umano agad ito sa electric utility provider.

Bukod sa kuryente, isa pang peligrong maaaring dala ng baha ang mga sakit gaya ng leptospirosis, na nakakuha sa paglusong sa baha nang may sugat sa binti o paa.

Ipinapayo ng mga eksperto na kung kinakailangan talagang lumusong, magsuot ng bota o kaya ay balutin ng malinis na plastik ang paa o sapatos bago lumusong.

Kung nakalusong na, mainam umanong magpunta sa mga health center o sumangguni sa doktor para mabigyan ng gamot at makaiwas sa leptospirosis.

--Ulat ni Jeff Canoy, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.