Suspek sa pagpatay ng entertainer noong 2017 arestado sa Zambales

ABS-CBN News

Posted at Oct 29 2019 06:58 AM

MAYNILA—Naaresto ng mga pulis sa Zambales nitong Lunes ang suspek sa pagpatay ng isang babaeng entertainer noong 2017.

Natunton ang suspek na si Ace Mondragon na nagtatago sa bahay ng kaanak sa bayan ng Santa Cruz.

Positibong kinilala si Mondragon na siyang pumatay sa 27 anyos na si Eunice Espinosa sa Malate, Maynila noong Marso 2017.

Nagtamo ng 27 na saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima.

Ayon kay Police Capt. Gil John Lobaton ng Malate police, nakita si Mondragon na tumatakas sa lugar habang duguan ang damit nito nang mangyari ang krimen.

Nawala rin ang pamilya ni Mondragon sa Malate matapos ang insidente. Nagtago rin umano ang suspek sa Batangas mula noong 2017 hanggang sa matunton siya sa Zambales.

Dagdag ng pulisya, nakatulong sa kanilang imbestigasyon ang closed-circuit television (CCTV) footage kung saan nakunanan ang pagtakas ng suspek.

Selos ang tinitingnang motibo ng mga pulis sa insidente. Karelasyon umano ng suspek ang biktima.

 

—Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.