P10.2-M halaga ng shabu, nasabat sa Negros Oriental

Martian Muyco, ABS-CBN News

Posted at Oct 29 2019 01:53 AM | Updated as of Oct 29 2019 05:57 AM

Kuha ni Rennier Araco Jr.

Arestado ang isang bodegero matapos siyang mahulihan ng 1.5 kilo ng hinihinalang shabu sa buy-bust operation ng PNP, Lunes ng gabi sa bayan ng San Jose, Negros Oriental.

Tinatayang nagkakahalaga ng P10,200,000 ang nabawing ilegal na droga mula sa suspek na isang high-value target.

Ayon kay Lieutenant Colonel Wilfredo Alarcon Jr, hepe ng Provincial Intelligence Bureau ng Negros Oriental Police, isinagawa ang operasyon sa tinutuluyan ng suspek na nasa bundok na bahagi ng bayan at nasa 7 kilometro ang layo mula sa highway. 

Nakilala ang bodegero dahil siya umano ang itinuturong source ng iba pang high-value target na nauna nang naaresto ng kapulisan sa ibang mga operasyon.

Dati nang naaresto sa kaparehong kaso ang suspek pero nakapagpiyansa at nakalabas nitong taon lamang.

Panibagong kaso ng paglabag sa Republic Act 9165 ang isasampa laban sa salarin.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.