Paglilikas sinimulan na sa Luzon dahil sa banta ng Rosita

ABS-CBN News

Posted at Oct 29 2018 03:48 PM | Updated as of Oct 29 2018 08:54 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinalikas na ng mga awtoridad ang mga residente sa ilang bahagi ng Luzon dahil sa banta ng pagbaha, pagguho ng lupa, at storm surge o daluyong, na dala ng bagyong Rosita.

Nag-iwan ng matinding pinsala ang Rosita (international name: Yutu) sa ibayong dagat matapos direktang tamaan ang Northern Mariana islands noong nakaraang linggo. 

Inaasahang magla-landfall ang bagyo sa timog na bahagi ng Isabela at hilaga ng Aurora sa umaga ng Martes, sabi ng state weather bureau na PAGASA ngayong Lunes.

Sinabi rin ng PAGASA na humina ang bagyo habang papalapit ng Luzon dahil sa hanging amihan pero hindi pa rin dapat balewalain ang mga peligrong maaaring idulot ng pagdaan nito sa bansa.

Pero mula pa noong Linggo, nakararanas na ng mga pag-ulan at malalakas na hangin ang mga lugar sa may baybayin ng Isabela kaya minabuti na ng mga lokal na opisyal na palikasin sa mas ligtas na lugar ang mga residente, anang gobernador na si Faustino Dy.

Inani na rin daw ng mga magsasaka ang kanilang mga tanim na nakaligtas sa pananalasa ng bagyong Ompong noong Setyembre.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa Cagayan, pinalikas na rin ang mga residente sa mga lugar sa may baybayin at sa may Cagayan River, sabi ng gobernador na si Manuel Mamba.

Ipinag-utos na rin ni Governor Junie Cua ang preemptive evacuation sa lalawigan ng Quirino.

Simula noong Linggo, ipinagbawal na rin ng probinsiya ng La Union ang pagliwaliw sa mga karagatan nito.

Lumikas na rin ang mga residente sa Itogon, Benguet dahil sa panganib ng pagguho ng lupa.

Nagsilbi na raw aral para sa kanila ang trahedyang sinapit noong kasagsagan ng bagyong Ompong noong nakaraang buwan, kung saan nasa 80 ang nasawi nang gumuho ang isang mining site. 

Watch more in iWant or TFC.tv

LAGAY NG PANAHON

Namataan ang Rosita sa layong 310 kilometro silangan ng hilagang-silangan ng Casiguran, Aurora.

May taglay itong lakas ng hangin na 150 kilometro kada oras (kph) at gustiness o pagbugsong 185 kph, ayon sa PAGASA. Pa-kanluran ang direksiyon ng bagyo sa 15 kph.

Inaasahan ang katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan sa hilaga at gitnang Luzon simula gabi ng Lunes.

Maaari rin daw makaranas ng storm surge na hanggang tatlong metro ang taas ng alon sa mga lugar sa baybayin ng Isabela, Cagayan, Aurora, Ilocos Sur, Ilocos Norte, at La Union.

Itinaas ng PAGASA ang signal no. 3 sa Isabela, Quirino, Northern Aurora, Nueva Vizcaya at Ifugao.

Signal no. 2 naman ang nakataas sa Cagayan, Ilocos Norte, Apayao, Abra, Kalinga, Ilocos Sur, Mountain Province, La Union, Benguet, Pangasinan, Tarlac, Nueva Ecija, Northern Quezon kasama ang Polilio Island, Southern Aurora, Zambales, Pampanga at Bulacan.

Kabilang naman ang Metro Manila sa signal no. 1 kasama ang Southern Quezon, Batanes at Babuyan Group of Islands, Rizal, Laguna, Batangas, Bataan, Cavite at Camarines Norte.

Posibleng lumabas daw ang Rosita sa Philippine area of responsibility sa gabi ng Miyerkoles.

Nilinaw naman ng PAGASA na hindi magiging sinlakas ng bagyong Ondoy ang Rosita.

Watch more in iWant or TFC.tv

NDRRMC, NAGHIGPIT

Naghigpit naman ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa mga lokal na pamahalaan sa pagtiyak na hindi lang naabisuhan kundi naaksyunan din ng mga opisyal ang mga paghahanda para sa pagtama ng bagyong Rosita.

Ayon kay NDRRMC spokesperson Edgar Posadas, malaki ang leksiyon na natutunan nila sa Ompong kaya sa pagkakataong ito, hindi lang sila basta nagpapadala ng abiso.

Titiyakin na rin daw nilang natanggap, naunawaan at naaksyunan ng mga lokal na opisyal sa mga rehiyon ang lahat ng utos mula dito sa Maynila.

Parurusahan daw ang mga lokal na opisyal na hindi susunod sa kanila.

"We are giving deadlines for feedback in compliance, especially on preemptive evacuations," ani Posadas.

Bunsod din ng Rosita, suspendido ang klase sa ilang lugar sa norte ngayong Lunes at nag-anunsiyo na rin ng suspensiyon ang ilang lugar para sa Martes.

--Ulat nina Kim Atienza, Jorge Cariño, Ron Gagalac, at Harris Julio, ABS-CBN New

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.