'P3,000 kada isa': 23 nasagip mula sa 'pambubugaw' sa Bulacan

ABS-CBN News

Posted at Oct 29 2018 05:40 PM | Updated as of Oct 30 2018 02:04 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naaresto noong Linggo sa bayan ng Norzagaray, Bulacan ang 2 babae dahil umano sa pambubugaw habang higit 20 biktima nila ang nasagip mula sa umano'y prostitusyon.

Kabilang sa mga nasagip sa operasyon sa resort sa Norzagaray ang 22 babae at isang lalaki na "ibinebenta" umano ng P3,000 bawat isa. Pito raw sa kanila ay menor de edad at 13 anyos ang pinakabata.

Iba-iba ang pinanggalingan ng mga sangkot sa naturang kaso ng prostitusyon, na ni-recruit sa Facebook, sabi ni Senior Supt. Maria Sheila Portento, hepe ng operations management division ng Philippine National Police-Women and Children Protection Center (PNP-WCPC). 

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang 2 suspek, na nahaharap sa kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act.

Ngayong taon, umabot na sa 639 biktima ng human trafficking gaya ng pambubugaw ang nasagip ng PNP-WCPC, at 180 naman ang naaresto.

Ayon kay Portento, kahirapan ang kadalasang dahilan kung bakit napapasok sa prostitusyon ang isang tao. Pero mas ikinababahala ni Portento na pabata nang pabata ang mga nasasagip.

Kaya pinaalalahanan ng pulisya ang mga magulang at paaralan na maghigpit sa pagbabantay sa mga ginagawa o sinasamahan ng mga bata.

--Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.