Mga lumuluwas para sa Undas 'matumal' pa; bus terminals, paliparan 'handa na'

ABS-CBN News

Posted at Oct 29 2018 08:19 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tatlong araw bago mag-Undas ay tila "matumal" pa ang pagdating ng mga pasahero sa bus terminals base sa obserbasyon ng ilang mga manager sa Cubao at Pasay nitong Lunes.

"Normal pa naman po. Ang dating ng pasahero pabugso-bugso eh," ani Bobby Fernandez, terminal master ng JAC Liner. 

Ito ang dahilan kaya sinamantala ng ilang mga pasahero ang maluwag na mga terminal.

Naisipan na rin ng ilang pasaherong umalis nang maaga dahil sa paparating na bagyong Rosita, na posibleng magpatigil ng operasyon ng ilang mga bus station.

Gayunpaman, maigting pa ring isinagawa ng Land Transportation Office (LTO), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang inspeksiyon at drug testing sa mga bus driver at konduktor sa Cubao.

Sa 147 na na-drug test sa apat na terminal ng bus, isa ang napositibo pero maaari raw na gumamit lang ng prescriptive medicine ang drayber.

Lumabas din na dalawang pampasaherong bus ang hindi pinayagang makabiyahe dahil sa pekeng plaka.

PREPARASYON NG NAIA PARA SA UNDAS

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa kabila naman ng pagiging congested na ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminals, kakayanin pa rin daw nito ang inaasahang dagsa ng mga pasahero sa darating na Miyerkoles para sa Undas.

Tuwing holidays kasi, higit 50,000 ang dumadaan sa mga terminal ng NAIA kada araw.

Ang tinatanggap na pasahero ng NAIA, sobra na sa nakadisenyong kapasidad pero hindi naman daw magkakaproblema sa flight schedule.

"Kayang-kaya natin kasi they’re (airlines) operating by slots per day based on their schedule so nakasalansan 'yan at wala tayong problema in terms of capacity kasi hanggang ngayon sinusunod naman nila ang mga schedules nila," paniguro ni Manila International Airport Authority (MIAA) general manager Ed Monreal.

Nasa level 2 na ang security level sa airport kaya mas mahigpit ang pagpapadaan ng pasahero sa X-ray machines.

Pinayuhan naman ang mga pasahero, lalo na ang mga international ang flights, na dumating sa airport tatlong oras o higit pa bago ang takdang lipad.

BABALA SA MGA DADALAW SA SEMENTERYO

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagbabala naman ang pamunuan ng Manila North Cemetery na aarestuhin ang mga mahuhuling nagkakalat ng basura sa sementeryo ngayong Undas. 

Kasama raw ito sa kampanya ni Manila mayor Joseph "Erap" Estrada lalo't maaalala na noong isang linggo ay mahigit 100 ang inaresto sa pagkakalat ng basura sa lungsod.

Noong isang taon kasi, 70 garbage truck ang kinailangan ng sementeryo para hakutin ang basurang iniwan ng mga bisista. 

Mamo-monitor raw nila ito lalo't nadagdagan at 36 na ang mga CCTV sa sementeryo. 

Sa ngayon ay wala pang inilalabas na traffic rerouting scheme para sa Undas. 

Nag-abiso naman ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na tuloy ang kanilang towing kahit holiday.

Siniguro naman ng Philippine National Police (PNP) ang seguridad sa Undas lalo't aabot sa mahigit 32,000 pulis ang ide-deploy sa mga sementeryo at kalsada sa buong bansa.

Ayon kay PNP chief Director General Oscar Albayalde, wala silang natatanggap na banta ng terorismo sa Undas.     

Gayunpaman ay nagbabala si Albayalde laban sa mananamantala, gaya ng mga pekeng pari na umiikot at nagpapabayad para bendisyunan ang puntod ng mga namayapa.

—Ulat nina Jacque Manabat, Jasmin Romero, at Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.