'Carnapper' timbog nang tumirik ang tinangay na taxi

ABS-CBN News

Posted at Oct 29 2018 02:29 PM

Naaresto nitong madaling araw ng Lunes sa Quezon City ang isang lalaki na tumangay umano ng isang taxi, matapos tumirik ang sasakyan habang itinatakas niya.

Ayon sa taxi driver na si Rommel Lorella, nagpanggap na pasahero ang suspek at sinabing magsusundo sila ng isang kasamahan para ihatid sa airport pasado hatinggabi ng Lunes.

Nang bumaba ng taxi si Lorella at pumunta sa gate ng isang bahay sa Agno Street, Barangay Doña Josefa ay pinaandar umano ng suspek ang sasakyan.

Pero huminto rin ang taxi dahil sa safety switch.

Nagtago pa umano ang suspek sa mga puno pero kalauan ay natunton ng mga tauhan ng barangay.

Ayon sa suspek, naubos ang kaniyang pera sa online sabong kaya hihiramin lang sana niya ang taxi para makapamasada nang ilang oras.

Mahaharap ang suspek sa kasong carnapping.

--Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.