Seminar para sa mga gustong kumita online hatid ng 'Mission Possible'

ABS-CBN News

Posted at Oct 28 2019 04:23 PM

Nagdaos ng seminar ang programang "Mission Possible" para sa mga nais magsimula ng online business. ABS-CBN

Bukod sa nakukuhang pensiyon bilang senior citizen, hangad pa rin ng 65 anyos na si Adelaide Cabreira ang magkaroon ng ibang mapagkakakitaan.

"Namatay ang asawa ko, nagtatrabaho siya, inatake siya. Eh may isa pa akong anak na nag-aaral, nabitin siya," kuwento ni Cabreira.

"Sayang. Gusto ko siyang matapos," dagdag niya.

Nang malaman ni Cabreira ang tungkol sa "Hanapbuhay sa Bahay" seminar ng programang "Mission Possible," hindi na siya nag-atubiling sumali para matuto kung paano kumita online.

"Nasa bahay pa ako, safe pa ako, kasi matanda na ako eh. Hindi na ako puwedeng pumasok," aniya.

Sa loob ng isang araw ng seminar, tinuruan ang mga nagnanais kung paano maghanap ng bagong karera, at kung paano magsimulang magtrabaho at magnegosyo gamit ang computer at internet.

"Para ang mga Pilipino, hindi na kailangang umalis ng kanilang tahanan 
o umalis ng bansa para makapagtrabaho abroad kundi sa bahay na lang," ani Julius Babao, host ng "Mission Possible."

Limang taon nang may online job ang high school graduate at single mom na si Raycee April Pereña.

Nasa P20,000 kada linggo ang kinikita ni Pereña. Dahil dito, naging advocacy na niya ang turuan ang mga kapuwa niya ina na kumita online.

Bukod sa mga bagong natutunan, tumanggap din ng mga premyo at freebies ang mga dumalo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.