Publiko binalaan vs nakalalasong Halloween costumes, decorations

ABS-CBN News

Posted at Oct 28 2019 03:04 PM

Binalaan ng environmental organization na EcoWaste Coalition ang publiko na mag-ingat sa pagbili ng mga costume, decoration at laruang pang-Halloween, na maaari umanong nagtataglay ng mga nakalalasong kemikal.

Sa pagsusuri ng grupo sa biniling 35 Halloween products, lumabas na ilan sa mga ito ay hindi nakarehistro sa health authorities, kulang sa mga label, at ang iba ay wala talagang label, ani EcoWaste Coalition chemical safety campaigner Thony Dizon.

Binili umano ang mga produkto sa halagang P25 hanggang P199 sa 26 tindahan sa Monumento, Caloocan; Quiapo, Maynila; Libertad, Pasay; at Cubao, Quezon City.

Ilan din, ayon kay Dizon, sa mga produkto ay ginamitan ng pinturang may mataas na lead content.

Siyam na Halloween decorations — partikular ang pumpkin figurine sets, 3 Jack-o'-lantern, at 2 toy animals — ang may lead content na mas mataas sa regulatory limit na 90 parts per million (ppm).

May Jack-o'-lantern ding nakitaan ng 10,000 ppm, na lubha umanong masama sa kalusugan.

Nagpaalala ang EcoWaste sa publiko na maging mapanuri sa mga binibiling produkto.

-- Ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.