Sekyu, aksidenteng nabaril sa kalagitnaan ng airport drill sa Caticlan

ABS-CBN News

Posted at Oct 28 2017 07:46 PM

Sugatan ang isang security guard matapos aksidenteng mabaril ng airport police sa kalagitnaan ng anti-terrorism simulation drill sa Caticlan Airport Biyernes ng gabi.

Agad namang naisugod sa St. Gabriel Hospital sa Kalibo ang biktima na kinilalang si Nhick Tanan, 29 taong gulang, dahil sa tama sa kanang dibdib.

Nagsasagawa umano ng "active shooting response scenario" ang mga aviation security police nang hindi mapansin ni PO2 Benedicto Etrata na may lamang bala ang kaniyang baril at naiputok kay Tanan na nagpapanggap na terorista. 

"Hindi niya (Etrata) na-clear iyong firearm nya. Tapos ayun, aksidenteng pumutok iyong baril niya na hindi niya inakala na may load," paliwanag ni SPO1 Aven Dela Cruz.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Aviation Security Group sa Caticlan si Etrata habang ang biktima ay nasa mabuti nang kalagayan at nagpapagaling. 

--Ulat ni Jenel Baclay, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.