Higit 80,000 pasahero, dumagsa sa mga pantalan para lumuwas ngayong Undas

Ron Lopez, ABS-CBN News

Posted at Oct 27 2018 10:56 PM

MAYNILA—Pumalo sa mahigit 80,000 pasahero ang naitalang bumiyahe sa iba’t ibang pantalan ngayong Sabado bilang pagsisimula ng exodus ng mga luluwas ngayong Undas. 

Sa tala ng Philippine Coast Guard, pinakamaraming pasahero ang umalis sa Western Visayas na umabot sa mahigit 16,000 pasahero, partikular na sa Iloilo na sinundan ng mga pantalan sa Davao na umabot sa halos 12,000 pasahero.

Sa Central Visayas at Southern Tagalog ay umabot na sa mahigit tig-10,000 ang naitalang pasahero at inaasahan pang madaragdagan ito.

Unti-unti na ring lumolobo ang bilang ng mga bumibiyahe sa South Western Mindanao, Palawan, Northern Mindanao, at Southern Visayas.

Dahil dito ay sinimulan na ng Coast Guard ang kanilang Oplan Biyaheng Ayos kung saan naghihigpit ang seguridad sa mga pantalan. 

Partikular na utos ni Coast Guard Commandant Admiral Elson Hermogino ang tuloy-tuloy na monitoring sa mga maritime activities sa buong bansa at tiyakin na nakahanda ang mga personnel at gamit na reresponde kapag may nangailangan ng tulong.

Simula Oktubre 31 ay isasailalim naman sa heightened alert ang Coast Guard. 

Magpapatupad ng mas madalas na random inspection ang mga K9 teams sa mga pasahero at mga bagahe lalo't inaasahang lolobo ang bilang ng mga pasahero sa mga susunod na araw. 

Pinapayuhan ang publiko na pumunta sa pantalan o terminal tatlong oras bago ang kanilang biyahe at iwasan na magdala ng mga ipinagbabawal na bagay para hindi maantala.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.