BMPM: Patay na dolphin natagpuan sa Southern Leyte

ABS-CBN News

Posted at Oct 27 2018 06:33 PM

Inaalam pa ng awtoridad kung ano ang naging dahilan ng pagkamatay ng dolphin na natagpuan sa dagat na sakop ng Barangay Lo-ok sa Anahawan, Southern Leyte. Larawan kuha nina Bayan Patroller Pearl Cagantas at Raul Mula Gases.

ANAHAWAN, Southern Leyte - Isang patay na bottlenose dolphin na natagpuan sa dagat na sakop ng Barangay Lo-ok ang nakuhanan ng mga larawan nina Bayan Patroller Pearl Cagantas at Raul Mula Gases pasado alas-6 ng umaga, Sabado.

Ayon kay Melecio Buyser, Municipal Agriculturist at Municipal Environment and Natural Resources Officer ng Anahawan, dalawang mangingisdang residente ng nasabing barangay ang unang nakakita sa palutang-lutang na dolphin madaling araw ng Sabado.

Kaagad nila itong dinala sa dalampasigan at tumawag ng awtoridad.

Nasa 234 sentimetro ang kabuuang haba ng dolphin at 30 sentimetro naman ang kabilugan o girth ng katawan nito. May timbang rin itong aabot sa higit 140 kilo.

May nakita namang 5 mabababaw na sugat sa katawan ng dolphin na wala pa sa isang pulgada.

Posible umanong gasgas lamang ito mula sa mga bato sa mababaw na parte ng dagat.
 
Inilibing na kaagad ang dolphin matapos itong suriin ng awtoridad habang patuloy na inaalam ang sanhi ng pagkamatay nito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.