DPWH, Coast Guard gagabay sa mga biyahero sa Undas 2018

ABS-CBN News

Posted at Oct 26 2018 04:52 PM

Inihayag ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Philippine Coast Guard (PCG) ngayong Biyernes na muli silang magbibigay ng gabay sa mga biyahero sa Undas.

Sa inilabas na direktiba ni DPWH Secretary Mark Villar, simula alas-7 ng umaga sa Miyerkoles, Oktubre 31 hanggang tanghali ng Nobyembre 4, magkakaroon ng mga assistance center sa mga pangunahing kalsada, na bahagi ng programang "Lakbay Alalay."

Magbibigay ng gabay at libreng emergency repair ang mga assistance center sa mga motorista.

Magtatalaga rin ang DPWH ng mga maintenance team para matiyak na walang ilegal na nakaparada, nakaharang at lubak sa mga national highway, lalo sa mga kalsadang patungo sa mga pampubliko at pribadong sementeryo.

Titiyakin din ng maintenance team na may street lights tuwing gabi at mga warning signage sa mga kalsada.

Inatasan din ng DPWH ang regional offices at district engineering offices nito na makipag-ugnayan sa mga contractor ng mga kinukumpuning kalsada para agad na maisaayos ang iskedyul ng mga pagkukumpuni.

Sa ilalim naman ng "Oplan Biyaheng Ayos" ng PCG, magbabantay sila sa mga pantalan para matiyak ang seguridad ng mga pasahero.

Hatinggabi ng Sabado, Oktubre 27, magsisimulang magbigay ng tulong sa mga pasahero ang PCG at magha-heightened alert sila simula Oktubre 31.

Titiyakin din ng PCG na walang mga sasakyang pandagat ang mag-o-overload o sosobra sa pasahero para maiwasan ang ano mang sakuna.

Mahigpit ding iinspeksiyunin ng mga tauhan ng Coast Guard kung kumpleto sa mga kaukulang dokumento ang bawat sasakyang pandagat at kung sumusunod ang mga ito sa safety standards ng Maritime Industry Authority.

Magtatalaga rin ng mga K-9 team ang Coast Guard sa mga pantalan na mahigpit na bubusisi sa mga bagahe ng mga pasahero.

Nagpaalala naman ang Coast Guard sa mga biyahero na magtungo nang maaga sa mga pantalan, kung maaari raw ay tatlong oras bago ang biyahe, para hindi maiwanan ang mga ito.

--Ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.