Kumakatas na basura mula sa dumpsite, bigong aksyunan ng Puerto Princesa

ABS-CBN News

Posted at Oct 26 2017 05:38 PM

Binalaan ng Environmental Management Bureau (EMB) ang lokal na pamahalaan ng Puerto Princesa sa Palawan dahil sa umano'y hindi maaayos na pangangasiwa nito sa tambakan ng basura.

Enero pa lang ay nakatatanggap na ang EMB ng mga reklamo mula sa mga residente ng Barangay Sta. Lourdes sa Puerto Princesa.

Daing nila ang masangsang na amoy sa kanilang lugar na nagmumula umano sa katas ng basurang dumadaloy pababa sa kanilang komunidad.

Sa pagsubaybay ng EMB, napag-alamang hindi maayos na gumagana ang treatment facility para sa katas ng basura sa sanitary landfill ng lungsod.

Kaya noong Hunyo, ipinaabot ng EMB ang notice of violation sa lokal na pamahalaan ng Puerto Princesa.

Bukod sa multa, may mga ipinangako umanong hakbang ang lokal na pamahalaan pero hindi pa naipapatupad ang mga ito. 

Ayon sa City Solid Waste Management, nanggagaling ang katas ng basura sa open dumpsite ng nakaraang administrasyon.

Inirekomenda na ang paglilipat ng mga residente sa ibang tirahan dahil napalala pa umano ng mga bacteria mula sa katas ng basura ang mercury, isang nakalalasong kemikal, sa lawa.

Mahigit P100,000 ang multang ipinataw sa lokal na pamahalaan.

Umaasa ang EMB na tutuparin ng lokal na pamahalaan ang mga ipinangakong hakbang.

Kung hindi, maaaring suspindihin ang environmental compliance certificate ng sanitary landfill at ipatigil ang operasyon nito. -- Ulat ni Chinee Palatino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.