Higit 500 senior citizens nabigyan ng libreng makeover

Joanna Tacason, ABS-CBN News

Posted at Oct 26 2017 08:42 PM

SAN NICOLAS, Pangasinan - Nabigyan ng libreng health and wellness treat ang mga lolo at lola dito kamakailan.

Isa si Ernesto Galagar sa nabigyan ng libreng serbisyong gupit. Sa edad na 67, pakiramdam niya ay naging bagets siya dahil sa bagong gupit.

Ang dating overseas Filipino worker na si Elena Tagarino ay may mga nararamdam nang sakit sa katawan. Kaya todo ngiti naman siya nang makatanggap ng relaxing massage.

May grupo din ng mga kababaihan na ginupitan ng buhok habang ang iba naman ay nagpakulay ng kanilang mga puting buhok.

Mayroon ding nagpa-manicure at pedicure habang nagre-relax, at ang ibang young at heart naman ay nagpakitang-gilas sa sayaw.

Ayon sa Federation of Senior Citizens, ilan lamang ito sa mga aktibidad na ibinibigay nila para sa mga lola at lolo sa San Nicolas.

Hiling nila na sana’y lahat ng mga senior citizen sa bayan ay mabigyan ng social pension.

“Maraming activity, pero hiling namin na lahat sana may pension,” sabi ni Eligio Hermano, pangulo ng Senior Citizen’s Association.

Ayon naman kay Mayor Rebecca Saldivar, nakahain na ang aplikasyon.

“Alam naman namin na hindi lahat ay mabibigyan. 'Yun ang predicament ng national government,” sabi niya.

Mahalaga raw ang papel ng mga senior citizen sa komunidad dahil sila ang salamin ng mga lumang kaugalian na dapat matutunan ng mga kabataan ngayon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.