Ilang lugar sa Davao, binaha dahil sa malakas na ulan

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Oct 25 2019 12:19 AM

Ilang residente sa Davao City ang lumikas at nakitira sa mga kapitbahay na nasa mataas na lugar matapos lumubog sa baha ang ilang lugar ng lungsod bunsod ng malakas na buhos ng ulan nitong Huwebes, Oktubre 24, 2019.

DAVAO CITY - Lumubog sa baha ang ilang lugar sa Davao City matapos ang malakas na buhos ng ulan Huwebes ng gabi.

Mahigit tatlong talampakan ang lalim ng tubig sa mababang parte ng
Mega Homes Subdivision sa Purok 7 sa Barangay Bago Gallera sa Davao City.

Ilang residente ang lumikas at nakitira sa mga kapitbahay na nasa mataas na lugar.

"Natakot na kami kasi mataas na ang tubig" ani Leila Rogero, isang residente.

Ayon kay Chelo Cañares, opisyal ng nasabing barangay, umapaw ang mga malalaking creek sa lugar kaya bumaha.

"Nasa mga mahigit 100 na residente ang apektado, ang iba nasa mataas na bahagi na ng kanilang bahay" ani Cañares.

Matapos ang ilang oras, huminto ang ulan sa Davao at unti-unting humupa ang tubig baha.

Inaalam ng city disaster risk reduction management office ang bilang ng mga apektadong pamilya at mga evacuees.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.