Environment conscious na Palaweño, tinanghal na ‘earth hero’ sa US

Lynette dela Cruz, ABS-CBN News

Posted at Oct 25 2019 07:02 PM | Updated as of Oct 26 2019 01:18 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

PUERTO PRINCESA CITY—Matapos na makilala bilang "moto-in-can" artist sa lungsod na ito, ngayon ay pang international na ang talento ni JC Enon.

Lilipad siya sa Nobyembre para tanggapin ang Earth Hero Award ng interEdx Center for Advanced Research on Energy and Sustainability (iCARES) sa Las Vegas. Inimbitahan din siya sa World Education Summit on Sustainability and Transformation.

Sa mensahe ng founder at CEO ng iCARES na si Lee Dedicatoria, sinabi nito na kinikilala nila at ng buong mundo ang kontribusyon sa kalikasan ni Enon pati na ang pagbabagong maibibigay pa nito sa mga susunod pang henerasyon.

Bata pa lang ay hilig na ni Enon ang paggawa ng art, pero taong 2018 lang nang simulan niya ang pagbebenta ng miniature motorcycle na pawang gawa sa recycled tin cans, matapos na maospital ang kaniyang anak. Mula noon ay marami na ang nagpagawa sa kaniya at ngayon ginagawa na niya itong kabuhayan. Gumagawa siya ng miniature tricycle, jeep at big bikes.

"Nagulat din ako, kasi Las Vegas ’yun siyempre. First time ko rin lalabas ng bansa ’pag nagkataon,” ani Enon, na siya ring gumagawa ng trophies para sa Subaraw festival sa Puerto Princesa.

"Talagang isapuso lang din natin kung ano ang ginagawa natin. Kung papano yun nagiging part ng environment, paano nakaka-help sa environment.”

May apat na prinsipyo na pinanghahawakan si Enon at ito ay ang collect, clean, cut, at create o craft.

Kokolektahin ang basura saka lilinisin, paghihiwa-hiwalayin at saka pa lamang papasok ang kaniyang sining o paggawa ng artwork.

Sa pagpunta niya sa US, dadalhin ni Enon ang ilan sa kaniyang mga gawa para i-exhibit.

Kailangan lang niya munang makalikom ng P80,000 hanggang P100,000 para sa pamasahe, visa at iba pang kailangan. Umaasa siya na matutulungan ng mga kababayang Pilipino na pwedeng mag-isponsor.

Nais niya ring maging inspirasyon at maibahagi ang talento sa iba.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.