Bagong tantiya: Magnetic lifters, posibleng naglaman ng P11-B 'shabu'

ABS-CBN News

Posted at Oct 25 2018 04:19 PM | Updated as of Oct 25 2018 08:54 PM

Philippine Drug Enforcement Agency Director General Aaron Aquino. Jonathan Cellona, ABS-CBN

Maaaring nasa P11 bilyon ang halaga ng hinihinalang shabu na isinilid sa apat na magnetic lifter na nahanap sa Cavite, sabi ngayong Huwebes ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino, tinimbang nila muli ang apat na magnetic lifter at nakitang maaaring P11 bilyon ang halaga ng drogang nilaman nito, halos doble sa nauna nilang tantiya na P6.8 bilyon.

 

Watch more in iWant or TFC.tv

Isinama, ani Aquino, sa muling pagtimbang sa mga lifter ang van na naglaman sa mga lifter at ang orihinal na truck na nagdala sa mga ito nang ibiniyahe ang mga ito. Kinumpara ito sa bigat na nakasaad sa bill of lading at nakitang may pagkakaibang 1.6 tonelada.

"Nag-conduct ang PDEA ng re-weighing. Isinakay namin iyong apat na magnetic lifter sa isang container van na the same weight, pagkatapos isinakay namin doon sa original na truck na pinagsakyan," paliwanag ni Aquino sa panayam ng radyo DZMM.

"Ikinumpara namin doon sa timbang na originally nakalagay sa bill of reading, iyong gross at net weight niya," ani Aquino.

"Ang discrepancy o difference ng reading is 1,618.7 kilos o lumalabas na 1.6 tons. So ang equivalent noon is about P11 billion."

Nahanap ng mga tauhan ng PDEA sa General Mariano Alvarez, Cavite noong Agosto ang apat na magnetic lifters matapos makatanggap ng tip ang ahensiya. 

Nahanap ng PDEA ang mga walang laman na lifters sa Cavite ilang araw matapos maharang sa Manila International Container Port ang dalawang magnetic lifters na naglaman ng tinayang P4.3 bilyong halaga ng shabu.

Nauna nang itanggi ng Bureau of Customs (BOC), na nagproseso at nag-apruba sa shipment, na ginamit ang mga magnetic lifter para magpuslit ng droga.

Subalit noong Miyerkoles, sa isang pagdinig sa Kamara, bumaligtad sa Customs Commissioner Isidro Lapeña at sinabing maaaring naglaman nga ng droga ang mga magnetic lifter.

Nakumbinsi si Lapeña matapos ipresenta ng Department of Public Works and Highways ang kanilang pag-aaral ukol sa lifters.

Sa isang pahayag ngayong Huwebes, ipinaliwanag ni Lapeña na kaya niya itinatanggi noon na naglaman ng droga ang mga lifter ay dahil wala pang ebidensiya noon.

"My position last August, that the magnetic lifters found in GMA, Cavite were empty were based on the evidence we have at the time," sabi ni Lapeña.

LAPEÑA, DI MAGBIBITIW

Nanindigan din ngayong Huwebes si Lapeña na hindi siya magbibitiw bilang pinuno ng Bureau of Customs kahit inamin niya ang posibilidad na may drogang nakalusot sa kanilang inspeksiyon.

Sa isang press briefing sa Malacañang, sinabi ni Lapeña na patuloy naman niyang naipapatupad ang mga utos ni Pangulong Rodrigo Duterte at hindi rin dapat siya panagutin dahil sa command responsibility.

"The President placed me there to accomplish a job, and that is to stop corruption and increase revenue collection. I have been delivering and I still have to do a lot," sabi ni Lapeña.

 GUBAN, MANANATILI SA KUSTODIYA NG SENADO

Samantala, sinabi ni Senate President Vicente "Tito" Sotto III ngayong Huwebes na mananatili sa kustodya ng Senado si dating Customs intelligence officer Jaime Guban maliban na lang kung maghahain ng arrest warrant laban sa kaniya.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ito ay matapos ipag-utos ni Duterte noong Miyerkoles ang pag-aresto kay Guban dahil sa pangangasiwa raw nito sa pagpasok ng ilegal na droga sa bansa.

"We still need to keep him unless a warrant is issued," sabi ni Sotto.

Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, mananatili si Guban sa Senado hanggang sa matapos ang imbestigasyon ng Senado ukol sa napuslit na droga.

-- May ulat nina Angel Movido, Dharel Placido at Adrian Ayalin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.