ALAMIN: Paano malalamang matibay ang appliance?

ABS-CBN News

Posted at Oct 25 2017 08:24 PM

Nagpaalala ang Department of Trade and Industry (DTI) na tiyaking may import commodity clearance (ICC) sticker o PS mark ang bibilhing appliances at iba pang gamit para iwas-disgrasya.

Bago kasi lagyan ng ICC sticker o PS mark, dumadaan muna ang appliances sa mabusising pagsusuri para matiyak na ligtas itong gamitin.

Sa isang accredited na laboratoryo, 1,000 beses na ibinabagsak ang plantsa bilang bahagi ng product testing bago maisyuhan ng certification.

Sinusuri ring maigi ang telebisyon kung mabilis itong uminit. 

Gayundin ang rice cooker para iwas-paso ang konsyumer at maiwasan din ang sunog sa bahay.    
    
May panukat din sila para sa temperature ng microwave oven at kung wala itong nilalabas na radiation. 

Idinadaan naman sa “impact hammer test” ang mga electric fan para masiguro ang tibay nito.

Maging ang mga siwang o butas ay sinusuring mabuti para matiyak na hindi mahahawakan ang umiikot na blade na maaaring mauwi sa aksidente.

Pati air-con, sinusuri kung kaya ang init sa labas ng bahay.

Masinsin ding inaalam ang lamig ng refrigerator at kung totoo ang nakasaad na energy efficiency ratio nito.

Ang Christmas lights naman, 96 oras o apat na araw nakabukas para matiyak na mahaba ang buhay. Sinisipat din pati ang wiring at coating nito.

Paglilinaw naman ng mga eksperto, hindi porke't gawa o nasuri sa Pilipinas ay mahinang klase na ang appliances.

Ayon kay Tristan Loveres, managing director ng TUV Rheinland PH, sumusunod sa international standards ang pagsusuri sa Pilipinas.

Nilalagyan ng "PS" mark ang appliances na sa Pilipinas nasuri habang ICC mark naman sa mga imported. 

Kapag walang tatak, hindi ito dumaan sa mga pagsusuri kaya hindi magagarantiya ang tibay at kaligtasan ng produkto.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.