3 patay, 8 sugatan sa banggaan ng 10-wheeler at jeep

Elaine Fulgencio, ABS-CBN News

Posted at Oct 25 2017 11:36 AM

Tatlong katao ang nasawi habang walo naman ang iniwang sugatan ng salpukan ng 10-wheeler truck at jeep sa Tarlac City, Martes ng gabi.

Dead on arrival si Adrian Pabustan, babaeng kasama nito na sakay ng jeep, at isa pang lalaking lulan naman ng truck nang mangyari ang aksidente sa McArthur Highway sa boundary ng Capas, pasado alas-10 ng gabi.

Ayon sa mga nakakita, mabilis ang takbo ng truck at nagulat na lang sila sa narinig na malakas na kalabog.

“Mabilis po talaga. Nagulat na lang kami kasi ang lakas ng impact tapos 'yung jeep, umikot-ikot pa, 'yung mga pasahero lumipad sa labas, nagkalat. Hindi na rin nakaiwas kasi mabilis 'yung truck,” sabi ni John Yumul.

Sa imbestigasyon ng pulisya, papuntang norte ang truck na may kargang mga lamang loob ng hayop nang kainin nito ang linya ng kasalubong na jeep.

Sa lakas ng bangaan, natuklap ang bubong ng jeep at tumilapon ang ilang mga sakay nito habang dumiretso naman sa arko ang truck at naipit ang driver.

Nahirapan ang Tarlac Rescue Team na hugutin sa pagkakaipit ang driver ng truck na inabot ng isang oras.

“Sa sobrang lakas, nahirapan tayong alisin ang driver kasi naipit 'yung paa n'ya tapos 'yung harap ng truck nahirapan tayong alisin 'yung mga bakal,” kuwento ni Marvin Guiang ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office sa Tarlac.

Agad dinala sa Tarlac Provincial at Capas Municipal Hospital ang mga sugatan na sina Aurismo Lavarias, Fatima Capul, Cristina David, Jennifer Vinluan, Jovani Bucalin, Ferdinand Ambrocio, Camlon Mangila, at isang hindi pa nakikilalang lalaki. 

Sinabi naman ng driver ng jeep nang magkamalay na ito na biglang sinakop ng truck ang kanyang linya kaya hindi siya nakaiwas.

“Mabilis po siya… wala na akong nagawa, bumulagta na lang 'yung truck tapos nawalan na ako ng malay,” sabi ni Ambrocio.

Lumalabas sa imbestigasyon na positibong nakainom ng alak ang truck driver na si Mangila, 30-anyos, na nagtamo ng bali sa binti at sugat. Pero hindi pa makausap nang maayos.

Nahaharap siya sa kasong paglabag sa reckless imprudence resulting in multiple homicide and multiple serious physical injuries.

Hindi naman ito ang unang aksidente sa lugar, kaya muling nagpaalala ang pulisya sa publiko na maging maingat at iwasan ang pagmamaneho ng nakainom.

Kinokontak na rin ang may-ari ng truck para sa posibleng mga pananagutan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.