Programa para makapag-ipon para sa pagreretiro ilulunsad ng SSS

ABS-CBN News

Posted at Oct 24 2019 07:42 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinoproseso ni Roberto Quinto ang kaniyang retirement matapos maghulog ng halos 30 taon sa Social Security System (SSS).

Pero sa kuwenta ay wala pang P6,000 ang magiging pensiyon niya.

"Parang pang-maintenance lang po 'yon," ani Quinto.

Isa ito sa mga dahilan kung bakit ilulunsad ng SSS sa Enero ang voluntary provident program, na mistulang savings ng aktibong miyembro na puwedeng hugutin kapag nagretiro.

Nasa P500 kada buwan hanggang P1 milyon kada taon ang puwedeng ihulog na may annual interest na 5 hanggang 8 porsiyento.

"Mas malaki 'yong mase-save mo at siguro more importantly, 'yong mindset na hindi mo ginagastos lahat ng kinikita mo," ani SSS Senior Vice President Edgar Cruz.

Puwedeng i-withdraw ang ipon bago ang ika-5 taon pero may penalty.

Simula 2021, magkakaroon naman ng mandatory provident fund o parang savings fund ang mga miyembrong sumasahod mula P20,000 pataas kada buwan.

Dahil tataas din ang kontribusyon ng 13 porsiyento sa 2021, mapupunta ang bahagi nito sa hiwalay na ipon ng miyembro, na provident fund din ang tawag.

Halimbawa ay may sahod na P25,000 kada buwan, sa kontribusyong P3,250 kada buwan, P650 ang mapupunta sa sariling provident fund.

"Encourage additional savings... recognizing na 'yong basic SSS benefits ay malamang hindi sapat," ani Cruz.

Kung malaki ang sahod, puwedeng sabay na mag-voluntary at mandatory provident fund para lumaki ang mahuhugot na ipon kapag nagretiro. -- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.