Opisyal ng DILG sa Region 8, natagpuang patay sa loob ng opisina

Geron Ponferrada, ABS-CBN News

Posted at Oct 24 2019 10:45 PM

TACLOBAN CITY - Patay na nang natagpuan sa loob ng kaniyang opisina sa Tacloban City ang assistant regional director ng Department of the Interior and Local Government (DILG) Region 8.

Ayon kay DILG Director Artemio Caneja, ipinagtaka nila kung bakit hindi lumalabas sa kaniyang opisina si Region 8 Assistant Regional Director Valente Bajet mula umaga hanggang magtatanghali nitong Huwebes.

Dagdag pa ni Caneja, pinuntahan niya ang opisina ni Bajet para hanapin pero wala ito sa kaniyang upuan. 

Dahil dito, napilitan siyang buksan ang pinto ng kuwarto ni Bajet na nasa loob rin ng opisina nito at doon na umano niya nakitang nakahiga ito sa kama at wala nang buhay.

Tumangging magbigay ng pahayag ang pamilya Bajet sa nangyari.

Hiniling rin ng pamilya na isailalim sa autopsy ang bangkay para malaman ang ikinamatay nito.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa nangyari. Sa ngayon, inaalam pa ng kapulisan ang sanhi ng pagkamatay ng opisyal ng DILG.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.