ALAMIN: Libreng oral polio vaccine, kailangan pa rin ba kahit may injection na ang bata?

ABS-CBN News

Posted at Oct 24 2019 06:52 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ginunita ngayong Huwebes, Oktubre 24, ang World Polio Day. Kasabay nito, patuloy ang kampanya ng gobyerno para labanan ang naturang sakit, na muling naiulat dito sa bansa matapos ang halos 2 dekada ng pagiging polio-free.

Isa sa mga hakbang ng gobyerno, sa pangunguna ng Department of Health (DOH), para labanan ang sakit ay ang synchronized polio vaccination campaign o ang malawakang pagbibigay ng bakuna kontra polio.

Sa ilalim ng programa, bibigyan ang lahat ng batang may edad 5 pababa ng libreng oral polio vaccine (OPV) o iyong bakunang ipinapatak at ipinadadaan sa bibig.

 

Kahit nabakunahan na noon ang bata para sa polio, hinikayat pa rin ng DOH ang mga magulang na tangkilikin ang libreng OPV.

"Full vaccination against the polio virus is the best way to prevent the transmission of the disease," sabi ng DOH sa pahayag noong Oktubre 14.

(Ang pinakamagandang paraan para maiwasan ang pagkahawa ng polio ay ang pagkakaroon ng full vaccination.)

Puwedeng magpabakuna sa mga health center at barangay health unit. Nagsasagawa rin ng pagbabahay-bahay ang mga health worker. May mga libreng polio oral vaccine rin sa ilang private hospitals. Hindi makukuha ang bakunang ito sa mga private practitioners. 

Sa Oktubre 14 hanggang 27 ang unang round ng pamimigay ng OPV sa Lanao del Sur, Marawi City, Davao del Sur, at Davao City, at ikalawang round sa National Capital Region (NCR) o Metro Manila.

Sa Nobyembre 25 hanggang Disyembre 7 naman ie-expand ang pamimigay ng OPV sa buong Mindanao at ang last round ng vaccination sa NCR.

Sa Enero 6 hanggang 18, 2020 naman ang huling round ng vaccination sa Mindanao.

Inabisuhan na rin ang mga pamahalaang lokal sa Central Luzon at Calabarzon na paigtingin ang routine vaccination ng mga bata.

Ang polio ay isang sakit na karaniwang tumatama sa mga bata at maaaring magdulot ng paralisis. Ilan sa mga sintomas nito ay lagnat, panghihina ng katawan, pagsusuka, paninigas ng leeg, at pangangalay ng mga kamay at paa.

Noong Setyembre, kinumpirma ng DOH ang pagbabalik ng polio sa Pilipinas matapos magpositibo sa virus ang isang batang babae sa Lanao del Sur.

Bukod sa bakuna, ipinapayo rin ang pagiging hygienic o malinis sa katawan para maiwasan ang sakit.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.