Opisyal ng Customs na dawit sa droga, pinaaaresto ni Duterte

ABS-CBN News

Posted at Oct 24 2018 06:01 PM

Pinaaaresto ni Pangulong Rodrigo Duterte si dating Bureau of Customs (BOC) intelligence officer Jimmy Guban.

Sa isang talumpati sa Malacañang ngayong Miyerkoles, sinabi ng pangulo na ipinag-utos na niya kay Philippine National Police chief Director-General Oscar Albayalde ang paghuli at pagdala kay Guban sa National Bureau of Investigation (NBI).

Isa si Guban sa mga opisyal ng BOC na isinasangkot sa isyu ng P6.8 bilyong halaga ng shabu na isinilid umano sa magnetic lifters at nakalusot sa Customs.

"Tell me who is this guy asking for money, extortion. I will call him here, I'll have him arrested, kaya iyang si Guban pinapaaresto ko," sabi ni Duterte.

"Sabi ni Albayalde, ‘on what ground?’ Just bring him to the NBI."

Kasabay nito ang pagdinig ng Kamara ukol sa drogang umano ay nakalusot sa Customs.

Bago nito, naglabas si Duterte ng "secret special report" na nag-uugnay kay Guban at iba pang mga matataas na opisyal ng pulis sa ilegal na kalakaran ng droga.

May naitatag na raw na network si Guban at siya raw ang nilalapitan ng mga tao kapag kailangan daw magpasok sa bansa ng ilegal na droga, paputok, bigas, asukal, at iba pa, sabi sa ulat.

Sinabi rin sa ulat na kilala ni Guban ang mga may-ari at mga manager ng mga warehouse na sinasalakay nila.

"The raids were his means of showing the owners that he has the power and influence in the Intelligence Group of the BOC so that they will continue to pay 'tara' to his group," sabi sa ulat.

Iniugnay rin sa ulat si Guban sa isang Chen Yu, na miyembro umano ng Bamboo Alliance Syndicate na nag-aalok umano ng sari-saring transaksiyon. --May ulat nina Joyce Balancio at Dharel Placido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.