Pagdeklara ng 'national emergency' sa dami ng kabataang nabubuntis hinimok

ABS-CBN News

Posted at Oct 23 2019 07:36 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA - Hinimok ng Commission on Population and Development (POPCOM) si Pangulong Rodrigo Duterte na magdeklara ng "National Emergency on Early Pregnancy" sa bansa.

Kasunod anila ito ng pagdami ng mga insidente ng mga nabubuntis na kabataan. 

Batay sa survey na isinagawa ng Philippine Statistics Authority noong 2017, umabot sa 196,478 ang bilang ng mga teenage mothers na may edad 10 hanggang 19. 

Dagdag pa nito isa sa bawat 10 kabataang nasa 15 hanggang 19 anyos ay buntis o nanganak na. 

Karamihan umano sa kanila ang mahihirap na nakatira sa probinsiya at hindi nakakatapos ng pag-aaral. 

Dahilan ito para magkaroon ng komplikasyon sa panganganak na nadudulot ng panganib sa kalusugan ng mga sanggol, na ikinababahala ng POPCOM. 

Kaugnay ng kanilang panawagan, naglunsad ng kampanyang "No More Children Having Children" ang POPCOM, ilang mambabatas, at women's rights and youth advocates para masolusyunan ang pagdami ng mga kabataang nabubuntis sa bansa.

"When a young person gives birth in a hospital setting, dapat bigyan ng information, bigyan ng service, because that will cut the number of early pregnancies," ani POPCOM Executive Director Juan Antonio Perez. 

Nanawagan din sila na pagbigyan ang P10 bilyong pondong hinihingi nila sa pamahalaan para mataguyod ang ilang programa na layong tugunan ang adolescent pregnancies sa bansa gaya ng family planning at birth control, gayundin sa mahihirap na komunidad. -- Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.