Maximum tolerance ipapatupad ng MMDA sa pagparada malapit sa sementeryo

ABS-CBN News

Posted at Oct 23 2019 07:27 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Magpapatupad ng "maximum tolerance" ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pagpaparada sa mga kalsada sa paligid ng mga sementeryo ngayong Undas. 

Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia, maaaring maglaan ng espasyo ang mga lokal na pamahalaan para sa mga motoristang bibisita sa mga sementeryo. 

"Maximum tolerance. Puwedeng in the sense na lifted muna pero sa vicinity lang ng sementeryo na ia-indentify ng LGU," ani Garcia. 

Maaalalang nagsagawa ng anti-obstruction campaign ang mga awtoridad sa mga kalsada sa Metro Manila, na kinabibilangan ng kampanya kontra sa illegal parking.

Manghuhuli lang daw ang MMDA kapag lumagpas ang mga sasakyan sa mga itinalagang parking spaces. 

Maaaring i-tow din ang nahuling sasakyan kapag nakakaapekto na ito sa daloy ng tao at ng trapiko sa paligid ng sementeryo, ayon kay Garcia. 

"Kung ikaw ay nakaharang sa gitna ng kalsada at walang makadaan, puwede kang i-tow kasi obstruction ka na," ani Garcia. 

Ito aniya ay para hindi magsabayan ang dami ng tao at sasakyan sa mga sementeryo at paligid nito, gaya ng mga nakasanayan noong nakaraan. 

Magpupulong ang MMDA at mga lokal na pamahalaan para ilatag ang mga plano sa pagsasaayos ng trapiko sa Undas, kagaya ng mga paglalaanan ng mga parking area. 

Lifted na rin ang coding sa Metro Manila sa Nobyembre 1, na isang holiday. -- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.