Lalaking inireklamo ng pananakit sa kinakasama huli sa droga sa Cavite

ABS-CBN News

Posted at Oct 23 2019 01:41 PM | Updated as of Oct 23 2019 06:49 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naaresto sa anti-illegal drug operation sa Bacoor City, Cavite ang isang lalaking nauna nang inireklamo dahil sa pananakit sa kaniyang kinakasama, sabi ngayong Miyerkoles ng pulisya.

Natimbog din umano ng mga awtoridad ang babaeng kapatid ng kinakasama dahil din sa ilegal na droga.

Kinilala ni Police Lt. Col. Vicente Cabatingan, hepe ng Bacoor police, ang mga suspek bilang sina Michael Monzon, 31, at Lyka Paller, 21.

Hinuli si Monzon at ang kaniya umanong runner sa buy-bust operation sa Barangay Dulong Bayan noong Lunes.

Bago nito, nag-viral sa social media ang isang video tampok si Monzon na sinisigawan at kinakaladkad ang kaniyang kinakasama.

Mapapanood din sa isang bahagi ng video na nagtago si Monzon ng isang sachet ng hinihinalang shabu sa kaniyang bulsa.

Ang kumuha ng video at nagreklamo kay Monzon ay si Paller, na itinuro naman ni Monzon bilang kaniyang supplier ng droga.

"Nakakabigla nito, ang uploader kasi siya pala ang source ng droga," ani Cabatingan.

Nasa P25,000 halaga ng droga at isang granada ang nakumpiska ng mga awtoridad kay Monzon.

Nahaharap ang mga suspek sa mga kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Kinasuhan din si Monzon ng illegal possession of explosives.

-- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.