Grab driver patay sa pamamaril umano ng negosyante sa Batangas

ABS-CBN News

Posted at Oct 23 2019 01:08 PM | Updated as of Oct 23 2019 03:40 PM

MAYNILA (UPDATE) — Isang lalaki ang patay matapos umano pagbabarilin ng umano'y "adik" sa isang resort sa Nasugbu, Batangas.

Dead-on-the-spot ang biktimang si Junnel Mar Alano, isang Grab driver, matapos siyang barilin ng negosyanteng si Dennis Esmeralda sa hindi pa malamang dahilan.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, inarkila ng isang pamilya si Alano para sa naturang beach trip sa Nasugbu.

Doon din namamalagi ang suspek na si Esmeralda kasama ang kaniyang nobya. 

Nakatambay lang daw si Alano sa beach nang lapitan ni Esmeralda at pagbabarilin. 

Tumakas ang suspek subalit naaresto rin ng mga guwardiya at pulis nang magtago ito sa gubat

Ayon sa pulisya, hindi magkakilala ang suspek at biktima.

Lango umano sa shabu si Esmeralda kaya bigla na lang namaril.

May dati nang kasong pagpatay at drug case si Esmeralda.

Inaalam pa kung may ibang motibo sa krimen.


—Ulat nina Dennis Datu at Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.