23 sugatan sa salpukan ng jeep, kuliglig sa Zamboanga City

ABS-CBN News

Posted at Oct 23 2019 11:03 PM

ZAMBOANGA CITY—Dalawampu't-tatlong tao ang sugatan sa salpukan ng isang pampasaherong jeep at kuliglig sa highway ng Barangay Cawit sa lungsod na ito Miyerkoles ng umaga.

Ayon kay Police Senior Master Sergeant Rudy Deleña, nag-overtake umano ang pampasaherong jeep sa isang van hanggang sa masagi nito ang kasalubong na kuliglig na may sakay na limang pasahero.

Matapos mabangga ang kuliglig, dumiretso ang pampasaherong jeep sa isang konkretong pader.

Dahil sa lakas ng pagkakabangga sa pader, halos nayupi ang harapang bahagi ng jeep at naipit din nang bahagya ang tsuper at isa nitong pasahero.

Nasugatan din ang 16 na mga pasahero na nakasakay din sa jeep, kabilang na ang apat na menor de edad.

Ayon kay Deleña, tatlo sa mga pasahero ng jeep ang nasa kritikal na kondisyon dahil sa mga sugat sa ulo at bali sa katawan.

Malubha din ang kalagayan ng ilang pasaherong sakay ng kuliglig matapos tumilapon sa daan.

Pero ayon sa ilang nakakita sa aksidente, kasalanan umano ng kuliglig kung bakit nangyari ang banggaan.

Bigla umano itong nag-u-turn sa gitna ng highway kaya nasagi ng ka-engkwentrong pampasaherong jeep.

Itinanggi naman ito ng tsuper ng kuliglig. Ayon sa kaniya, mabilis ang takbo ng jeep habang nag-o-overtake sa isang sasakyan.

Posible umanong di siya nakita ng tsuper nito.

Masuwerte namang hindi nasugatan ang tsuper ng kuliglig na sasampahan din ng kasong reckless imprudence resulting in serious physical injuries and damage to properties, kasama ang tsuper ng pampasaherong jeep.

Ayon sa pulisya, illegal at walang prankisa ang kaniyang kuliglig.

May civil liability din ang operator ng pampasaherong jeep at obligado siyang gastusan ang pagpapagamot ng mga pasahero.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.